Mga miyembro ng OPM may benefit show para makatulong kay Coritha

Mga miyembro ng OPM may benefit show para makatulong kay Coritha

Coritha (Photo from Facebook/Pambansang Almusal, NET2

AGAD nakaisip ng paraan ang Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit (OPM) upang matulungan ang OPM icon na si Coritha.

Inilantad ng broadcast journalist na si Julius Babao sa publiko ang kasalukuyang kundisyon ngayon ni Coritha o Socorro Avelino sa tunay na buhay sa pamamagitan ng kanyang vlog.

Nakausap niya si Chito Santos, ang partner ni Coritha, at dito nga nalaman ng lahat na bedridden na ang OPM artist na nagpasikat sa mga classic hits na “Oras Na”, “Lolo Jose”, “Sierra Madre”, “Gising Na O Kuya Ko” at marami pang iba.

Hindi na rin nakapagsasalita ang veteran singer matapos na-stroke ilang taon na ngayon ang nakararaan.

Isa raw sa mga dahilan kung bakit inatake sa puso si Coritha ay dahil sa nasunog nilang bahay sa Sacred Heart, Quezon City noong 2018 kung saan ni isang gamit ay wala siyang naisalba.

Villanueva bares reports linking more local execs to illegal Pogos | INQTodayVillanueva bares reports linking more local execs to illegal Pogos | INQToday

Kasunod nito, dinala ni Chito sa Tagaytay si Coritha at doon na nanirahan, “Ayos naman siya kaya lang hindi siya makapagsalita pero ‘yung pakiramdam niya matalas.”

“Diabetic kasi siya, eh. Tapos isang beses naiwan ko ang guyabano sa lamesa kinain niya ‘yung dalawang malaki. Noong madaling araw, para siyang latang-lata at dinala ko ospital.


“Noong makita ang CT scan marami na raw siyang atake na hindi lang napapansin,” pagbabahagi pa ng partner ni Coritha.

Matapos maospital ay inuwi ni Santos si Coritha. “Nag-normal naman, ‘yun lang hindi siya makapagsalita.”

Nakakaraos pa rin naman daw sila sa  araw-araw pero sinabi ni Chito na napakahirap ng kanilang sitwasyon ngayon.

Nang makarating nga sa Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-Aawit ang kalagayan ni Coritha ay agad silang nakipag-ugnayan sa pamilya ng kapwa singer para makatulong.

“We have been informed regarding the situation of OPM folk icon Coritha and we are in coordination with the people assisting Ma’am Coritha on how OPM can assist.

“We are also currently working on a fundraiser show happening this August for the benefit of Ma’am Coritha. More details coming soon,” ang nakasaad sa post ng OPM.

Sa Facebook page naman ng singer na si Cooky Chua makikita ang poster ng isasagawa nilang “Para Kay Coritha” benefit show sa August 5, 7 p.m. na magaganap sa isang hotel sa Quezon City.