Kylie opens up about the man spotted with her at a shopping mall.

Kylie Padilla addresses mystery man she was spotted with

Kapuso actress Kylie Padilla reveals real score with rumored non-showbiz boyfriend: “Yung nagpapasaya sa puso ko. Yun yon.”
PHOTO/S: Kylie Padilla Instagram

Tila unti-unti nang nagiging bukas sa publiko si Kylie Padilla na ipakilala ang lalaking nagpapatibok ngayon ng kanyang puso.

Ito’y matapos siyang maispatan sa isang shopping mall kamakailan kasama ang isang lalaking mahaba ang buhok, nakaputing damit, at maraming tattoo sa braso.

Kinilala agad ito ng kanyang fans na si Jinno John Simon, isang tattoo artist.

Pahapyaw rin itong kinumpirma ni Kylie nang makausap siya sa TikTok ng celebrity fitness coach na si Francis Simon nitong Martes, January 23, 2024.

Sa video na in-upload ni Francis, tinanong niya si Kylie ukol pagkakakilanlan ng lalaking kasama niya sa mall

Tanong ng fitness coach sa Kapuso actress, “Meron akong itatanong, nagkakagulo [kasi] ang lahat, nagtatalo sila, e.

“Sino ba yung kasama mo sa mall, yung nakaputi [at] long hair?”

Mabilis na sagot sa kanya ni Kylie, “Ah, ayun ba? [Siya] yung nagpapasaya sa puso ko. Yun yon.”

Sundot na tanong sa kanya ni Francis, “Kilala ko ba yon?”

Natatawang sambit naman ni Kylie, “Ay, parang kilala mo, kuya. Parang kamukha mo nga e.”

Hindi man pinangalanan ni Kylie ang lalaking tinutukoy nila ni Francis, kumpiyansa ang kanyang followers na ang tinutukoy nila ay si Jinno.

Nakumpirma pa ito nang may isang netizen ang nag-iwan ng komento sa TikTok video ni Francis para tanungin kung kaanu-ano ng fitness coach ang tattoo artist na si Jinno.

Mababasang comment ng isang netizen (published as is), “Kapatid po ninyo ung kasama ni Kylie [laughing in tears emoji].”