Dennis Trillo: “Wala po akong anything against ABS-CBN.”

Dennis Trillo breaks silence on viral comment "May ABS pa ba?"

Dennis Trillo on ABS-CBN: “Sa 20 years ko sa industriya, wala po akong naging kaaway, wala akong pinagsalitaan nang masama. Wala po akong anything against ABS-CBN. Mataas po ang respeto ko sa kanila, doon po ako nanggaling, e.”

Nagsalita na ang Kapuso actor na si Dennis Trillo hinggil sa umano’y binitawan niyang komento tungkol sa ABS-CBN.

Kamakailan ay naging usap-usapan online ang pagsagot umano ni Dennis sa isang netizen sa TikTok na nagtatanong tungkol sa asawa niyang si Jennylyn Mercado.

Noong July 1, 2024, tinanong ng ilang netizens si Dennis kung bakit wala si Jennylyn sa inilabas na bagong station ID ng GMA-7.

Si Jennylyn ay kilalang homegrown talent at isa sa itinuturing na big stars ng Kapuso network kaya hindi maiwasang magtaka ang netizens kung bakit wala siya sa nasabing station ID.

Tanong ng isang netizen kay Dennis (published as is), “Kuya dennis sana masagot mo ito bakit wala si ma’am Jen sa GMA STATION ID at totoo ba na lilipat na siya sa ABC CBN”

Nakakaintrigang sagot umano ni Dennis: “May ABS pa ba?”

Dahil dito, marami sa netizens ang naghimutok sa tila raw pabalang na sagot ng aktor.

May ilan ding pinaratangan si Dennis na walang malasakit sa ginawang panggigipit ng gobyerno sa Kapamilya network.

Noong July 10, 2020, pinatay ng Kongreso, sa ilalim ng administasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang franchise renewal application ng ABS-CBN.

Bunsod nito, tigil-operasyon ang lahat ng television at radio stations na nasasaklawan ng napasong prangkisa ng ABS-CBN.

Tinatayang halos kalahati ng 11,000 empleyado ng kumpanya ang nawalan ng trabaho na noong mga panahong iyon ay kasagsagan ng pandemya.

DENNIS’S TIKTOK ACCOUNT HACKED?

Dahil sa ipinupukol na kaliwa’t kanang batikos kay Dennis, kaagad siyang dinepensahan ng kanyang management team.

Ayon kina Jan Enriquez at Katrina Aguila ng Aguila Entertainment, na-hack ang TikTok account ng aktor. Hindi raw si Dennis ang nag-post ng komentong iyon.

Sabi ni Jan, nagti-taping noon si Dennis ng Pulang Araw at limitado ang panahon nitong makahawak ng telepono.

Mabilis ding naglabas ng opisyal na pahayag ang Aguila Entertainment, ang talent management na humahawak sa showbiz career ni Dennis, para pabulaanan na si Dennis ang nasa likod ng nakakaintrigang komento.

Is this Robi Domingo's answer to Dennis Trillo's alleged comment?

PHOTO/S: SCREENGRAB @INSTAGRAM

DENNIS TRILLO SPEAKS UP

Sa panayam ni Dennis sa 24 Oras nitong Biyernes, July 12, nahingan siya ng reaksiyon ng entertainment reporter na si Nelson Canlas ukol sa mga pamba-bash na natatanggap niya online.

Dito, personal na kinumpirma ni Dennis na totoong na-hack ang kanyang TikTok account at magpahanggang ngayon ay hindi nila alam kung sino ang nasa likod ng hacking.

Nababasa rin daw niya ang masasakit na salitang ibinabato sa kanya simula nang mag-trending ang pagkaka-hack ng kanyang TikTok account.

Imbes na magpaapekto, mas iniisip na lang daw ni Dennis na wala siyang dapat ipag-alala dahil hindi naman siya talaga ang tunay na nagkomento.

Saad niya, “Ayokong magpaapekto dahil hindi naman totoo. Hindi naman totoo yung mga naririnig ko, yung mga nababasa kong mga comments dahil siyempre na-hack nga yung account ko.”

Sa tinagal ni Dennis sa showbiz industry, alam daw ng mga nakakakilala sa kanyang wala siyang naging kaaway at hindi niya kayang bastusin nang ganun-ganon lang ang ABS-CBN.

Malaki raw ang utang na loob niya sa ABS-CBN dahil ito ang unang network na nagtiwala at nagbigay sa kanya ng oportunidad maging isang artista.

Sabi niya: “Ako, sa 20 years ko sa industriya, wala po akong naging kaaway, wala akong pinagsalitaan nang masama.

“Wala po akong anything against ABS-CBN. Mataas po ang respeto ko sa kanila [kasi] doon po ako nanggaling, e.

“Siyempre, yung respeto, importante po sa kin yun kaya pinahahalagahan ko yan.

“Ako po ay hindi sasagot ng mga ganoong klaseng comments.

“Sa isang simpleng tanong, kaya kong sagutin yan nang with full respect, pero hindi sa ganoong manner.”

Noong 2001 ay napabilang si Dennis sa Star Circle Batch 10, na binubuo ng mga artista ng talent arm ng ABS-CBN na kanilang planong hubugin.

Kabilang sa mga ka-batch niya sina Bea Alonzo, Nadine Samonte, Andi Manzano, Karel Marquez, Alfred Vargas, at TJ Trinidad.

Bago ito, napabilang si Dennis sa ilang teleserye sa ABS-CBN gaya ng Tabing Ilog (1999- 2000), Pangako Sa ‘Yo (2000), at Sa Dulo ng Walang Hanggan (2001).

Taong 2013 nang lisanin ni Dennis ang ABS-CBN at lumipat sa GMA-7.

Dito niya nakuha ang kanyang kauna-unahang lead role nang gumanap siyang Gabriel sa 2004 hit series na Mulawin.