Photo: Marianne Bermudez

Nagdiriwang ngayon ang buong bansa dahil sa pag-uwi ng dalawang ginto at dalawang tansong medalya nina Caloy Yulo, Nesthy Petecio at Ira Villegas.

Muli ngang nakatapak ng bansa ang mga atletang Pilipino matapos ang pakikipagtunggali sa 2024 Paris Olympics. Hindi man lahat ng mga manlalaro ay nakakuha ng medalya ay naging sulit pa rin ang kanilang kampanya sa nasabing palaro.

Ito ay dahil nakagawa ng isang kasaysayan ang Pilipinas nang magwagi si Carlos Yulo ng dalawang gintong medalya para sa kanyang pagkakapanalo sa gymnastics men’s floor exercise at men’s vault sa Paris Olympics.

Bunsod nito, tumataginting na dalawampung milyong piso agad ang makukuha nito mula sa pamahalaan bilang cash incentive. Bukod pa ito sa ilang milyong piso at mga ari-arian na ipinangako sa kanya ng ilang mga personalidad at mga kumpanya.

Samantala, tig-isang tansong medalya naman ang naiuwi nina Nesthy Petecio at Ira Villegas sa larangan ng boksing. Naging mailap ang ginto sa dalawang pilipina subalit malugod nila itong tinanggap at nangakong babawi sa susunod. Dahil sa tansong medalyang ito ay magkakamit silang dalawa ng tig-dalawang milyong piso bilang cash incentive ng pamahalaan.

Samantala, naglabas naman ng kautusan ang ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lahat ng mga atletang lumahok sa Paris Olympics ay makatatanggap ng tig-2 milyong piso, may medalya man o wala.

Ang isang milyon piso ay manggagaling sa Office of the President at ang isa pang milyon ay makukuha sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Ang paggawad ng monetary award na ito ay ibinigay kara-karaka habang idinaraos ang heroes welcome sa Malacañang.