MAYNILA —  “Tanggap nila ako.”

Ipinakita ni Vice Ganda ang tiwala na tanggap siya ng madlang people at mga manonood nang tanggalin niya ang kanyang wig sa live broadcast ng “It’s Showtime” nitong Biyernes.

Ang pagtanggal ng wig ni Vice Ganda ay pagpapakita ng suporta at pagpapalakas ng loob ni April na kalahok sa “Expecially For You” segment.

“Hindi ako nangingimi, kung makakatulong ito para makakuha ng katiting na kumpiyansa si April, why not?”  ani Ganda.

“Nasa punto na ako na wala akong paki. Mayroon na akong taong mahal na mahal ako kahit wala akong wig. Hindi na rin ako affected sa mga pangit na pangit sa akin kapag wala akong wig,” ani Vice Ganda na ipinagyabang ang pagmamahal sa kanya ng kanyang ina at ang nobyong si Ion Perez.

Naging emosyonal si Vice Ganda nang tanggalin niya ang kanyang wig at magyakap sila ni April.

“Huwag kang magmadali. In your time,” payo naman niya kay April.