Ayon sa resulta ng imbestigasyon sa malagim na pagpaslang sa mag-asawang Lulu, lumalabas na hindi lamang ang asawa ng babae ang sangkot sa krimen, kundi siya mismo ang nakipag-ugnayan sa middle man na nag-orchestrate ng pamamaslang. Ang naturang mag-asawa ay kaibigan at kumpare ng mga biktima, dahilan upang lalong masindak ang mga tao sa kanilang ginawang kasamaan.

Mastermind sa pagpatay sa mag-asawang Lulu, next target daw ang isa pang pinagkakautangan

Base sa mga impormasyon mula sa otoridad na iniulat ng PTV, hindi natatapos ang kanilang mga balak sa mag-asawang Lulu. Napag-alaman na ang susunod na target ng mastermind ay isang taga-Nueva Ecija, na pinagkakautangan nila ng P27 milyon.

Matatandaang ito ang natuklasang dahilan ng mga suspek, na nag-issue ng mga walang pondo na tseke sa kanilang mga pinagkakautangan. Kinontrata nila ang isang grupo na gun for hire upang likidahin ang kanilang mga kaibigan at bayaran ang utang sa mas malagim na paraan.

Nasampahan na ng kaso ang asawang babae, na itinuturong pangunahing utak sa pamamaslang.

Matatandaang sa kuha ng CCTV, makikita ang riding in tandem na nakasunod sa sasakyan ng mag-asawang Lerma “Mommy Lerms” Lulu at Arvin Lulu. Sila ang mag-asawang negosyante na binaril sa Mexico, Pampanga. Ayon sa ulat ng GMA news, naroroon din ang anak nila at pinsan nito pero nakaligtas sila ngunit traumatized ang mga ito. Hustisya ang patuloy na hinihiling ng naulilang kaanak ng mag-asawa.

Matatandaang ipinahayag ni Mabalacat City Mayor Crisostomo Garbo na magbibigay siya ng gantimpalang P100,000 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makakatulong sa pag-aresto sa mga pumatay sa kilalang online seller na si Lerms Lulu at asawa niyang si Arvin sa Mexico, Pampanga, kamakailan. Sa kanyang pahayag, sinabi ni Garbo na siya ay nakikiramay sa mga pamilya at kaibigan ng mag-asawang Lulu, na mga residente ng Mabalacat City.